Buensalida tumawid sa La Salle
MANILA, Philippines — Kumpirmado na ang paglipat ni National University ace Aaron Buensalida sa kampo ng De La Salle University para sa UAAP Season 84 men’s basketball tournament.
Marami ang nanliligaw sa 6-foot-5 cager kabilang na ang seniors team ng NU Bulldogs at ang dating NCAA champion San Beda University.
Subalit nagpasya si Buensalida na dalhin sa La Salle ang talento nito pagtungtong sa college dahil naniniwala ito na malaki ang magiging improvement niya sa Taft-based school.
Isa rin ang La Salle sa dream school nito.
“Sa tingin po namin na maggo-grow talaga ako sa La Salle. Dream school ko rin po ang La Salle since elementary pa lang ako,” anang 18-anyos na si Buensalida.
Noong Season 82, nagtala si Buensalida ng averages na 2.85 points at 2.69 rebounds.
Makakasama ni Buensalida sa La Salle ang Bullpups teammate nitong si Kevin Quiambao.
“Excited na rin ako dahil makakasama ko ‘yung dati kong teammates dun (sa La Salle),” ani Buensalida.
Isa lamang si Buensalida sa mga bagong recruit ng Green Archers.
Nauna nang hinugot ng La Salle sina Evan Nelle ng San Beda, at Mark Nonoy at Deo Cuajao ng University of Santo Tomas.
Pasok din sa Green Archers sina Filipino-Americans Michael Philips at Ben Philips gayundin sina Jonnel Policarpio, Raven Cortez, Emman Galman, CJ Austria, Warren Calara, Paul Turco at Isaiah Blanco-Hontiveros.
- Latest