Celtics dinispatsa ang Clippers
LOS ANGELES — Pinamunuan ni Jayson Tatum ang pagbanat ng Boston Celtics sa three-point range at tumapos na may 34 points para sapawan ang Clippers, 119-115.
Nagsalpak si Tatum ng limang triples habang nagdagdag si Kemba Walker ng 24 points para sa Celtics (12-9) na nagsalpak ng 16 tres laban sa Clippers (17-7) na naglaro na wala si Paul George.
Binanderahan ni Kawhi Leonard ang Clippers sa kanyang 28 points at 11 rebounds at may 18 markers si Lou Williams.
Sa Cleveland, kumolekta si superstar Giannis Antetokounmpo ng 33 points at 12 rebounds at may 17 markers si Jrue Holiday para sa 123-105 paggupo ng Milwaukee Bucks (14-8) laban sa Cavaliers (10-13).
Sa Phoenix, kumamada si Devin Booker ng 23 points habang may 20 markers at 9 assists si Chris Paul para ihatid ang Suns (12-9) sa 109-92 paggiba sa Detroit Pistons (5-17).
Sa Orlando, naglista si Nikola Vucevic ng career-best 43 points para igiya ang Magic (9-14) sa 123-119 panalo sa Chicago Bulls (8-13).
Sa Charlotte, umiskor si Bojan Bogdanovic ng 31 points tampok ang pitong 3-pointers para sa 138-121 tagumpay ng Utah Jazz (18-5) laban sa Hornets (10-13).
Sa Miami, umiskor si reserve Kendrick Nunn ng 25 points para sa 122-95 pagpapatumba ng Heat (8-14) laban sa Washington Wizards (5-14).
Sa New York, sinikwat ng Toronto Raptors (10-12) ang 123-117 tagumpay kontra sa Brooklyn Nets (14-10) tampok ang 33 points ni Pascal Siakam.
Sa Indianapolis, humataw si Brandon Ingram ng 30 points para akayin ang New Orleans Pelicans (9-12) sa 114-113 pagtakas sa Indiana Pacers (12-11).
- Latest