Kobe Paras pass sa 3rd window
MANILA, Philippines — Habang nag-commit na si Kai Sotto sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers, hindi naman masisilayan sa aksyon si Gilas Cadets member Kobe Paras.
Walang darating na Paras sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna dahil nagpasya itong lumiban sa third window dahil sa personal na kadahilanan.
Ayon sa ulat, nagpaalam na ang University of the Philippines standout sa kanyang mga teammates gayundin sa miyembro ng coaching staff.
Huling naglaro si Paras noong Nobyembre sa second window ng qualifiers sa Manama, Bahrain.
Nagtala ito ng averages na 3.5 points, 5.5 rebounds, 2.0 assists, at 1.0 steals sa dalawang panalo ng Gilas Pilipinas kontra sa Thailand.
Sina Javi Gomez de Liaño, Dave Ildefonso, Justine Baltazar, Calvin Oftana, William Navarro at Kemark Cariño ang Gilas Cadets na kasalukuyang nasa loob ng ‘Calambubble’.
Inaasahang darating naman ngayong araw sa bubble ang iba pang miyembro na sina Juan Gomez de Liaño at Dwight Ramos.
Makakasabay ng dalawa ang bugso ng PBA players na nagkumpirmang lalaro sa third window.
Nauna nang pumasok sa bubble sina Kiefer Ravena ng NLEX, CJ Perez ng Terrafirma at Justin Chua ng Phoenix.
- Latest