Pagkakaisa ipinanawagan ng PSL
MANILA, Philippines — Nanawagan ng pagkakaisa ang pamunuan ng Philippine Superliga (PSL) upang maayos ang gusot sa Philippine volleyball.
Magkakaroon ng eleksiyon upang bumuo ng bagong grupo na kikilalanin ng International Volleyball Federation (FIVB).
At isa ang PSL sa mga stakeholders na imbitado sa eleksiyon na idaraos anumang araw ngayong buwan.
Nauna nang nagpahayag ng pagkakaisa ang Premier Volleyball League (PVL) officials sa pangunguna nina Ricky Palou at Tony Boy Liao kung saan nakipagsanib-puwersa ito kay dating PSL official Tats Suzara.
Kasama rin sa grupo si Beach Volleyball Republic (BVR) founder Charo Soriano ang napapabalitang isasabak upang pamunuan ang bagong volleyball association.
Kaya naman umaasa si PSL president Ian Laurel na magkaroon ng pagkakaisa para tuluyan nang tuldukan ang problema sa volleyball sa bansa.
“It is with utmost humility that I hope we can put our personal interests aside and put the interest of Philippine Volleyball above our egos and personal gains,” ani Laurel sa kanyang statement.
Inatasan ng FIVB ang Philippine Olympic Committee (POC) para gabayan ang isasagawang eleksiyon.
Ang mabubuong asosasyon ang kikilalanin ng FIVB na siyang magkakaroon ng karapatang dumalo sa FIVB World Congress na idaraos via online sa susunod na buwan.
Ito rin ang bagong national sports association ng volleyball sa bansa na kikilalanin ng POC.
Isa sa requirement ng POC para maging miyembro nito ang recognition ng international federation.
- Latest