Philippine volleyball aayusin
MANILA, Philippines — Magsasanib-puwersa ang ilang malalaking stakeholders upang ayusin at pag-isahin ang volleyball sa bansa para sa kapakanan ng lahat.
Magtutulung-tulong sina Asian Volleyball Confederation development and marketing official Tats Suzara, Sports Vision Management Group president Ricky Palou, Beach Volleyball Republic founder Charo Soriano at Premier Volleyball League commissioner Tony Boy Liao para mabuo ang isang solidong grupo.
Si Suzara ay dating bahagi ng Philippine Superliga ngunit kumalas ito matapos masangkot sa isyu laban sa ilang PSL officials na humantong pa sa demandahan.
Naging bahagi na rin si Suzara ng PVL (na dating Shakey’s V-League) kung saan head coach ito ng guest team na Philippine Sports Commission noong 2004 edisyon ng V-League.
Nilinaw ni Palou na hindi ito interesado sa posisyon. Ang tanging layunin ng kanilang grupo ay ang mapaganda ang takbo ng volleyball sa bansa gayundin sa mga international competitions.
Inutusan ng International Volleyball Federation (FIVB) ang Philippine Olympic Committee (POC) na manduhan ang eleksiyon ng volleyball sa bansa.
Ang mabubuong organisasyon ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa FIVB World Congress sa Pebrero. (CCo)
- Latest