Petecio todo-iwas sa negative news
Para tutukan ang bubble training
MANILA, Philippines — Hangga’t maaari ay ayaw magbasa ni national lady boxer Nesthy Petecio ng mga negatibong balita ukol sa kinakaharap na coronavirus disease (COVID-19) pandemic ng bansa at ng Tokyo, Japan.
Mas gusto niyang tutukan ang nakatakdang pagpasok niya sa ‘bubble’ training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
“Ayokong kumuha ng negative news talaga. Iniiwasan ko kung may mabasa man akong article, bahala na. Gusto ko talaga mag-focus sa training. Hahabol talaga ako sa kondisyon,” ani Petecio.
Isa ang 2019 AIBA Women’s World Championships gold medalist sa mga national boxers na papasok sa ‘bubble’ kasama si 2021 Olympic Games qualifier Irish Magno para paghandaan ang quadrennial event sa Tokyo.
Ang iba pa ay sina Olympic aspirants Carlo Paalam (light flyweight), Rogen Ladon (flyweight) at Ian Clark Bautista (bantamweight).
Ang mga national boxers ang unang papasok sa bubble sa Enero 15 habang ang mga taekwondo jins at karatekas ay sa Enero 16 at 17, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa flyweight na si Magno, ang tatlo pang atletang mayroon nang Olympic ticket ay sina pole vaulter Ernest John Obiena, gymnast Carlos Edriel Yulo at boxer Eumir Felix Marcial.
- Latest