Tolentino positibo sa pagratsada ng Philippine sports sa 2021
MANILA, Philippines — Sa pagtatapos ng taong 2020 ay handa si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na harapin ang mga hamon ng taong 2021.
Matagumpay niyang nakamit ang inaasam na ‘full term’ bilang pangulo ng POC kasabay ng pagpaplantsa sa mga sigalot ng National Sports Asociations (NSAs).
“We have to focus on the athletes. There are a lot of challenges next year, a lot of big competitions outside,” wika ni Tolentino. “We have a lot of work but with the help of this team starting January 1, we can do it.”
Ang mga tinutukoy na hamon ng pangulo ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling) ay ang paglahok ng mga national athletes sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan sa Hulyo at ang pagtatanggol ng Team Philippines sa overall crown sa SEA Games sa Vietnam sa Nobyembre.
Tinalo ni Tolentino si Atty. Clint Aranas ng archery, 30-22, para sa POC presidential seat sa eleksyong idinaos noong Nobyembre 27.
Nagwagi rin sa tiket ni Tolentino sina Al Panlilio (first vice-president) ng basketball, Ormoc City Mayor Richard Gomez (2nd vice-president) ng fencing at modern pentathlon, Cynthia Carrion-Norton (treasurer) ng gymnastics at Chito Loyzaga (auditor) ng baseball.
Nahirang naman sa POC Executive Board sina Raul Canlas (surfing), Pearl Managuelod (muay thai), Charlie Ho (netball) at Dave Carter (judo).
Ipinanawagan ng 56-anyos na si Tolentino ang pagkakaisa ng mga sports officials.
Nalampasan din ni Tolentino ang pagkuwestiyon sa ginamit ng pondo ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) para sa SEA Games noong Disyembre ng 2019.
Sa taong 2021 ay kumpiyansa rin si Tolentino na muling magbubukas ang mga cycling competitions sa bansa kung saan inaasahang may bakuna na para sa coronavirus disease (COVID-19).
- Latest