Gaballo tagumpay!
Interim WBC bantamweight belt ibinulsa
MANILA, Philippines — Pinatunayan ni Reymart Gaballo na may ibubuga ito matapos kubrahin ang split decision win laban kay Puerto Rican Emmanuel Rodriguez para angkinin ang interim World Boxing Council (WBC) bantamweight title kahapon sa Mohegan Sun Casino sa Uncasville, Connecticut.
Dalawang hurado ang pumanig kay Gaballo kung saan nagbigay ng 116-112 desisyon si Don Trella habang naitala naman ni John McKaie ang 115-113 iskor.
Tanging si David Sutherland ang pumabor kay Rodriguez nang ibigay nito ang 118-110 iskor.
Alam ni Gaballo na dikitan ang bakbakan ngunit ipinaliwanag nitong ang kanyang pagiging agresibo sa laban ang naging daan upang makuha ang panalo.
“The fight, for me, is too close because I always move forward and I controlled the fight. That was close and I’m so happy that I won the fight,” ani Gaballo.
Wala pa ring bahid ang rekord ni Gaballo na mas lalong bumango sa 24-0 tampok ang 20 knockouts.
Bumagsak sa 19-2 ang marka ni Rodriguez.
Dahil sa panalo, maihihilera na si Gaballo sa mahuhusay na bantamweight fighters kabilang ang star-studded lineup nina Pinoy pugs Nonito Donaire at John Riel Casimero kasama pa si Japanese world champion Naoya Inoue.
Si Gaballo ang naging kapalit na kalaban ni Rodriguez matapos magpositibo si Donaire sa coronavirus disease (COVID-19) sa kanyang unang swab test.
Sinubukang umapela ni Donaire dahil tatlong confirmatory tests ang nagsabing negatibo ito sa COVID-19 subalit bigo ito dahil tinuloy pa rin ang Gaballo-Rodriguez bout.
“Sobrang saya ko dahil hindi ako talaga ‘yung nakasaad sa laban, si idol Nonito Donaire bale naging replacement lang ako kaya sobrang saya ko po na nabigay sa akin ang opportunity na ito. Salamat sa lahat ng Pilipinong sumuporta sa akin,” dagdag ni Gaballo.
Uuwi ng Pilipinas si Gaballo para ipagdiwang ang kanyang tagumpay.
- Latest