Petecio payag sa bubble training
Sa Calamba, Laguna
MANILA, Philippines — Isa ang boxing sa mga National Sports Association (NSA) na gustong pumasok sa bubble training sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
At isa si national boxer Nesthy Petecio, naghahangad ng tiket sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan, na payag sa nasabing plano ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Yes po, willing na willing po akong pumasok (sa bubble) at excited na nga po ako actually para rin naman sa akin ‘yung training at pabor ako doon,” ani Petecio.
Bukod sa boxing ay payag din ang taekwondo at karate na pumasok sa bubble training sa Inspire Sports Academy.
Kasalukuyang nag-eensayo ang 28-anyos na si Petecio sa isang boxing gym sa Digos City, Davao del Sur kung saan istriktong ipinatutupad ang health at safety protocols para makaiwas sa coronavirus disease (COVID-19).
Bagama’t wala pa ring tugon ang Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang request na sagutin ang kanyang gastusin sa pag-eensayo ay tuluy-tuloy pa rin ang pagsasanay ng Pinay fighter.
Hangad ni Petecio, sumuntok ng gold medal sa 2019 AIBA Women’s World Boxing Championships, na makasama sa Tokyo Olympics sina boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno, pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo.
Nauna nang nabigo si Petecio na makasikwat ng Olympic berth nang matalo sa kanyang featherweight match kay Japanese Sena Irie sa Asia and Oceania Boxing Olympic Qualification Tournament sa Amman, Jordan.
- Latest