Tagay!
Ginebra uli sa game 2
MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon ay muling bumida si Scottie Thompson para sa Barangay Ginebra.
Isinalpak ni Thompson ang krusyal na three-point shot sa huling 30.5 segundo para tulungan ang Gin Kings sa 92-90 paglusot sa TNT Tropang Giga sa Game Two ng 2020 PBA Philippine Cup Finals kahapon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
Inilista ng Ginebra ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series ng TNT, natalo rin sa Game One via overtime, 100-94, noong Linggo.
“When they stretched out that lead, we didn’t panic,” sabi ni Gin Kings’ coach Tim Cone sa itinayong 54-39 abante ng Tropang Giga sa third period bago nila naagaw ang 87-85 bentahe mula sa triple ni Thompson sa huling 30.5 segundo ng final canto.
“Certainly it was a struggle for us all game long. I thought Talk ‘N Text dominated us,” dagdag ng two-time PBA Grand Slam champion mentor. “We were able to make some stops and the game turned around.”
Kumolekta si Stanley Pringle ng 34 points, 8 assists at 6 rebounds habang tumapos si Aljon Mariano na may 20 markers at 6 boards.
Humataw naman si RR Pogoy ng 38 points sa panig ng TNT at may 15, 13 at tig-11 markers sina Simon Enciso, Jayson Castro, Troy Rosario at Poy Erram, ayon sa pagkakasunod.
Umaasa naman si Tropang Giga coach Bong Ravena na makakalaro na si Ray Ray Parks Jr. sa Game Three bukas.
- Latest