TNT-Ginebra finals larga na agad
MANILA, Philippines — Ito pa lamang ang ikatlong pagkakataon na maglalaban ang mga Gin Kings at Tropang Giga sa PBA Finals.
Tinalo ng Barangay Ginebra ang TNT para sa korona ng PBA Philippine Cup, 4-2, noong 2004-05 season kung saan hinirang si Fil-Am power forward Eric Menk bilang Finals MVP.
Niresbakan naman ng Tropang Giga ang Gin Kings, 4-2, sa kanilang rematch noong 2011 PBA Commissioner’s Cup sa pagbandera nina co-Finals MVPs Jason Castro at Jimmy Alapag kasama si import Paul Harris.
Magtutuos ang dalawang koponan ngayong alas-6 ng gabi sa Game One ng 2020 PBA Philippine Cup best-of-seven championship series sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles, Pampanga.
“I think we’ll go in as slight underdogs, as opposed to this series where we were a little bit favored,” wika ni head coach Tim Cone sa kanyang Gin Kings na tinalo ang Tropang Giga, 85-79, sa elimination round noong Nobyembre 6.
Nilusutan ng Ginebra ang Meralco, 83-80, mula sa game-winning three-point shot ni Scottie Thompson sa Game Five ng kanilang semifinals series para umabante sa kanilang pang-27 PBA Finals stint.
Sinibak naman ng TNT ang Phoenix, 91-81, sa Game Five ng kanilang semis duel para makapasok sa kanilang ika-20 championship stint.
Kumolekta si Ray-Ray Parks Jr. ng 25 points, 10 rebounds at 6 assists sa nasabing panalo ng Tropang Giga, tumatarget sa kanilang ika-walong titulo.
“It’s not easy playing in the bubble. But we’ve made it to the finals, it’s up to us to finish it,” sabi ng anak ni seven-time PBA Best Import Bobby Parks.
Sina Thompson, Stanley Pringle, LA Tenorio, Japeth Aguilar, Jared Dillinger at Joe Devance ang muling aasahan ng Ginebra katapat sina Parks, RR Pogoy, Castro, Troy Rosario at Poy Erram.
- Latest