Apela ni Ayo natanggap na ng UAAP
May endorsement ng UST
MANILA, Philippines — Mas lalong lumakas ang pag-asang magbabalik bilang men’s basketball head coach si Aldin Ayo sa University of Santo Tomas sa oras na matanggal ang indefinite ban nito.
Ito ay matapos pormal na i-endorso ng UST ang apela ni Ayo na maalis na ang indefinite ban na ipinataw ng UAAP Board of Trustees.
Natanggap na ng UAAP ang endorsement ng UST.
“The University Athletic Association of the Philippines (UAAP) has received a letter from University of Santo Tomas endorsing the appeal of basketball coach Aldin Ayo,” ayon sa statement ng UAAP.
Nakatakdang talakayin ng UAAP Board of Managing Directors ang isinumiteng apela ni Ayo na may kalakip na endorsement mula sa UST.
Magugunitang pinatawan ng UAAP ng indefinite ban si Ayo matapos matuklasan ang “training bubble” na isinagawa nito sa Sorsogon kasama ang Growling Tigers.
Inilatag ang ban base sa rekomendasyon ng Board of Managing Directors na sinang-ayunan naman ng Board of Trustees matapos ang isinagawang imbestigasyon ng UST.
Nakapaloob sa indefinite ban na hindi maaaring lumahok si Ayo sa anumang aktibidad ng UAAP.
Nauna nang nagbitiw si Ayo bilang head coach ng UST kasama sina assistant coaches Jinino Manansala at McJour Luib noong nakaraang buwan.
- Latest