Eala pasok sa French Open 2nd round
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng lakas si second seed Alex Eala nang pataubin nito si Natalia Szabanin ng Hungary, 6-4, 6-1, upang umusad sa girls’ singles second round ng prestihiyosong 2020 French Open sa Paris, France.
Mabagal ang simula ng 15-anyos Pinay netter nang malugmok ito sa 1-4 sa first set.
Subalit mabilis na nakabangon si Eala nang pakawalan nito ang matatalim na atake at malalakas na serves para kunin ang apat na sunod na games at kubrahin ang 5-4 kalamangan.
Ito ang nagsilbing tungtungan ni Eala upang dalhin ang magandang momento sa second set at matamis na angkinin ang panalo.
Sunod na makakasagupa ng world No. 4 na si Eala si world No. 56 Mara Guth ng Germany na nagtala naman ng 6-4, 6-3 panalo kay Sarah Iliev ng France sa first round.
Makakatuwang ni Eala sa girls’ doubles si 2019 US Open doubles partner Elvina Kalieva ng Amerika.
Nagpasalamat si Eala sa maiinit na mensahe at suportang natanggap nito sa kanyang tagumpay.
Nais ni Eala na masundan ang kanyang matamis na kampeonato sa 2020 Australian Open doubles noong Enero kasama si Priska Nugroho ng Indonesia.
- Latest