POC elections tuloy sa Nobyembre 27—Tolentino
MANILA, Philippines — Sa kabila ng kahilingan ni dating Philippine Olympic Committee (POC) chairman Monico Puentevella ng weightlifting na iurong ang eleksyon sa susunod na taon ay tuloy pa rin ito sa Nobyembre 27.
Sinabi ni POC incumbent president Abraham ‘Bambol Tolentino ng cycling federation na walang dahilan para hindi ito matuloy anuman ang mangyari.
Ayon kay Tolentino, tinalo si Philip Ella Juico ng athletics association sa isang snap election noong Hulyo ng 2019 matapos ang biglaang pagbibitiw ni basketball association chairman Ricky Vargas, naipaalam na nila ito sa International Olympic Committee (IOC).
Pamumunuan ni Puentevella ang mosyon para iatras ang POC elections sa Enero ng 2021 sa idaraos na General Assembly bukas.
Idinahilan ng dating Congressman at Mayor ng Bacolod City, ang kawalan ng flights mula sa mga probinsya para sa pagdalo ng mga kinatawan ng National Sports Associations (NSAs) sa POC election bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Hangad ni Tolentino ang kanyang ikalawang termino na lalakad hanggang sa 2024 Olympic Games sa Paris.
Nakatakda namang ilatag ni POC presidential candidate Atty. Clint Aranas ng archery ang kanyang buong tiket matapos ang General Assembly.
Si Atty. Teodoro Kalaw ang mamumuno sa three-man POC Electoral Committee kasama si Committee on Youth and Sports chairman Rep. Eric Martinez.
- Latest