De Los Santos humataw uli ng ginto
MANILA, Philippines — Muling bumanat ng gintong medalya si world No. 2 Orencio James De Los Santos matapos pagharian ang men’s seniors kata event ng Tokaido Maribot Open E-Tournament.
Nasungkit ni De Los Santos ang unang puwesto nang pataubin nito si Domont Matias Moreno ng Switzerland sa pamamagitan ng 5-0 iskor sa finals.
Nakapasok si De Los Santos sa finals nang gapiin nito sina Darius Duhan ng Slovakia sa quarterfinals sa iskor na 5-0 at Angel Sanchez ng Bolivia sa semifinals (4-1).
Dahil sa panalo, mas lalong lumakas ang tsansa ni De Los Santos na makuha ang No. 1 spot sa world ranking.
Ito ang ika-11 gintong medalya ni De Los Santos sa online tournament.
Doble pa ang selebrasyon ni De Los Santos dahil nakaginto rin si Fatima Hamsain sa women’s under-15 individual kata category at tanso naman si Julia Marcos sa women’s under-21 individual kata event.
- Latest