PBA gagastos ng P65 milyon para sa bubble
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa tumataginting na P65 milyon ang gagastusin sa pagbabalik-aksyon ng PBA Season 45 Philippine Cup sa isang bubble setup sa Clark, Pampanga.
Mismong si PBA chairman Ricky Vargas ang nagsiwalat ng halagang kakailanganin para matuloy lamang ang naudlot na season ng liga.
Sa katunayan, ayaw pag-usapan ni PBA commissioner Willie Marcial ang usaping pinansiyal sa bubble dahil mas nakasentro ang atensyon nito sa restart na target na simulan sa Oktubre 9.
“The commissioner has always stayed away from that question. But I’ll tell you, it’s close to P65 million that will cost us,” wika ni Vargas sa Power&Play Program.
Kasama sa mga gagastusin ang accommodation ng mga players, officials at staff gayundin ang transportasyon, pagkain at bayarin sa venue.
Gagayahin ng PBA ang konsepto ng NBA bubble sa Walt Disney World sa Orlando, Florida na siyang naging tahanan ng NBA players sa loob ng ilang buwan.
Subalit mananatiling naka-hang ang PBA restart dahil wala pang approval ang naturang plano mula sa Inter-Agency Task Force na siyang nagbibigay ng pahintulot sa anumang proyekto.
Hindi pa nga nakakakuha ng go signal ang scrimmages sa training na siyang magsisilbing hudyat na maaari na ring payagan ang aktuwal na laro sa PBA restart.
Magkakaiba ng opinyon ang ilang miyembro ng IATF kung papayagan nito ang contact sports gaya ng basketball kaya’t posibleng nahihirapan ang grupo na maglabas ng desisyon.
Nauna nang inihayag ni IATF vice chairman Karlo Nograles hindi ito pabor na pahintulutan ang contact sports dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang mga tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19).
Kaya naman nanawagan si Games and Amusements Board (GAB) chairman Baham Mitra na muling makipag-usap sa IATF officials upang talakayin ang plano nitong bubble.
Nais ni Mitra na makuha ng PBA ang approval ng IATF sa susunod na linggo .
- Latest