Obiena bronze sa Rome tilt
MANILA, Philippines — Hindi na naman nagpahuli si Tokyo Olympics-bound Ernest John Obiena sa hanay ng mga top pole vaulters sa buong mundo.
Inangkin ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist ang tansong medalya matapos lumundag ng 5.80 metro sa Rome leg ng Diamond League sa Stadio Olimpico sa Italy.
“My third bronze/6th medal of the season, against the top pole vaulters in the world,” ani Obiena sa kanyang nasabing season-best performance bilang preparasyon sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
“It was a tough competition but it pushed me to record a 5.80m season’s best. See you in Doha next week,” dagdag pa nito.
Sa walong torneong sinalihan ng 24-anyos na si Obiena ay kumolekta siya ng isang gold, dalawang silver at tatlong bronze medals.
Pareho silang may 5.80m ni Ben Broeders, ngunit nakuha ito ng Belgian sa kanyang ikalawang attempt para ibulsa ang silver medal.
Naglista naman si Armand Duplantis ng Sweden ng 6.15m para sirain ang 26-year-old world record na 6.14m ni pole vault great Sergey Bubka ng Ukraine at angkinin ang gold medal.
- Latest