Lina aalis na rin sa UST
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagguho ng basketball program ng University of Santo Tomas (UST) dahil isa na namang key player ang posibleng lumayas.
Ayon sa ilang ulat, aalis din sa kampo ng Growling Tigers si Bismarck Lina — ang ikawalong player ng España-based squad na mawawala sa lineup.
Usap-usapan na ang paglipat nito sa University of the Philippines (UP) habang nabanggit din ang De La Salle University sa posibleng maging bagong tahanan nito.
Wala pang pormal na pahayag si Lina.
Una nang nag-commit si Lina sa Growling Tigers noong Pebrero.
Galing ito sa basketball program ng UST Tiger Cubs.
Nagtala ito ng impresibong 16.6 points at 10.9 rebounds sa kanyang hu-ling taon sa juniors division ng UAAP.
Kaya naman malaking tulong ang 6-foot-5 slotman sa bagong koponang lilipatan nito.
Kung matutuloy ang paglipat nito sa Fighting Maroons, makakasama nito si CJ Cansino na nauna nang nagtawid-bakod matapos pumutok ang isyu sa “training bubble” sa Sorsogon.
At kung walang magiging aberya, agad na makalalaro si Lina sa UAAP Season 83.
Si Lina ang pinakabagong manlalarong lalayas sa UST matapos maglipatan ang iba pang key players nito kamakailan.
Patuloy namang nadaragdagan ang listahan ng mga kandidato sa UST coaching job.
Sumama na sa listahan sina Thailand men’s national basketball team head coach Chris Daleo at St. Clare College head coach Jinino Manansala.
- Latest