Comeback kings!
Nuggets ikinasa ang rematch vs Lakers
LAKE BUENA VISTA, Florida -- Muling bumida ang tambalan nina guard Jamal Murray at center Nikola Jokic para igiya ang Denver Nuggets sa Western Conference finals katapat sina LeBron James at Anthony Davis ng Los Angeles Lakers.
Sinibak ng Nuggets ang Los Angeles Clippers sa Game Seven, 104-89, para tapusin ang kanilang Western Conference semifinals wars sa 4-3.
Nagpasabog si Murray ng 40 points habang nagtala ng triple double si Jokic para akayin ang Nuggets sa West finals sa unang pagkakataon matapos noong 2009.
Ang Denver ang unang tropa sa NBA history na dalawang beses nakabangon mula sa 1-3 series deficit sa iisang postseason para labanan ang Lakers sa West finals.
Nagtala ang 7-foot na si Jokic ng 16 points, 13 assists at 22 rebounds para sa Nuggets, nakabawi mula sa 12-point deficit sa first half para taunin ang Clippers na nakakuha ng 14 at 10 points kina Kawhi Leonard at Paul George, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nagsalpak si Jimmy Butler ng three-point play sa huling 12 segundo at sinupalpal ni Bam Adebayo ang dunk attempt ni Jayson Tatum para tulungan ang Miami Heat sa 117-114 overtime win sa Boston Celtics sa Game One ng kanilang Eastern Conference finals.
Tumapos si Butler na may 20 points at nag-ambag si Adebayo ng 18 markers para sa Heat, nakahugot kina Goran Dragic at Jae Crowder ng 29 at 22 points, ayon sa pagkakasunod.
- Latest