Celtics kakasa sa Heat sa East finals
Raptors pinagpahinga na
LAKE BUENA VISTA, Florida — Ang Boston Celtics ang sasagupa sa Miami Heat para sa Eastern Conference finals series.
Tumapos si Jayson Tatum na may 29 points at 12 rebounds para igiya ang Celtics sa 92-87 pagpapatalsik sa nagdedepensang Toronto Raptors sa Game Seven ng kanilang semifinals wars kahapon dito sa NBA bubble.
Isinara ng Boston ang kanilang serye ng Toronto sa 4-3 para sagupain ang Miami ni Fil-Am coach Erik Spoelstra sa East Finals.
Nag-ambag si Jaylen Brown ng 21 points, 8 rebounds at 4 steals habang may 16 at 14 markers sina Marcus Smart at Kemba Walker para sa Celtics.
Pinamunuan ni Fred VanVleet ang Raptors sa kanyang 20 points, at may 16, 14, 13 at 11 markers sina Kyle Lowry, Serge Ibaka, Pascal Siakam at Norman Powell, ayon sa pagkakasunod.
Nakabalik naman ang Denver Nuggets mula sa 15-point, second-half deficit para talunin ang Los Angeles Clippers, 111-105, sa Game 5 ng kanilang West Conference semis duel.
Umiskor si Paul Millsap ng 14 sa kanyang 17 points sa third quarter para tulungan ang Nuggets na idikit sa 2-3 ang kanilang serye ng Clippers.
Umiskor si big guard Jamal Murray ng 26 points at nagposte si center Jokic ng 22 points at 14 rebounds para sa Denver .
Binanderahan naman ni Kawhi Leonard ang Los Angeles sa kanyang 36 points kasunod ang 26 markers ni Paul George.
- Latest