Bucks ibinulsa ang top seed sa East
Rockets binomba ang Lakers
LAKE BUENA VISTA, Fla. — Humataw sina Giannis Antetokounmpo at Khris Middleton ng tig-33 points para pamunuan ang Milwaukee Bucks sa 130-116 pagpapalamig sa Miami Heat sa NBA restart season kahapon dito.
Bumangon ang Bucks mula sa 23-point deficit laban sa Heat para tuluyan nang angkinin ang top seed sa Eastern Conference.
Nagsalpak ang Miami ng 73 points sa first half para kunin ang 23-point lead bagama’t hindi naglaro sina Jimmy Butler at Goran Dragic bago nakabalik ang Milwaukee at inagaw ang abante sa third quarter.
Sa likod ng tatlong dunks ni Antetokounmpo, isang 20-0 atake ang ginawa ng Bucks para ilista ang 130-111 bentahe laban sa Heat sa huling minuto ng fourth period.
Kumolekta naman si James Harden ng 39 points at 12 assists para dalhin ang Houston Rockets sa 113-97 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Hindi naglaro si Russell Westbrook para sa Rockets dahil sa kanyang bruised right quadriceps habang wala si LeBron James sa Lakers bunga ng sore right groin.
Nauna nang nakuha ng Lakers ang top seed sa Western Conference noong Lunes.
Dinuplikahan naman ni Damian Lillard ang sarili niyang franchise record sa isinalpak na 11 three-pointers para sa kanyang 45 points sa 125-115 pananaig ng Portland Trail Blazers kontra sa Denver Nuggets.
Nakalapit ang Blazers sa No. 8 spot sa Western Conference.
Tumipa si Kawhi Leonard ng 29 points para tulungan ang Los Angeles Clippers sa 126-111 pagpapalubog sa Dallas Mavericks at manatiling nakakapit sa No. 2 spot sa Western Conference.
- Latest