Olympic gold mas mahalaga kay Marcial
MANILA, Philippines — Ang pag-angkin sa kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Olympic Games ang mas gustong makuha ni Philippine national boxing sensation Eumir Felix Marcial.
Sinabi ni Marcial na mas pinahahalagahan niya ang Olympic gold kesa sa world boxing crown sa kanyang pagsabak sa professional ranks.
“Siyempre, iyon ang pangarap namin ng tatay ko ever since na nagsimula akong mag-boxing,” wika ng tubong Zamboanga City. “Wala pa ring nakakakuha ng gold medal sa Olympics.”
Si Marcial, lalaban sa middleweight division ng 2021 Olympics sa Tokyo, Japan, ang sinasabing may pinakamalamakas na tsansang makakopo ng unang Olympic gold medal ng bansa.
Ang huling Olympic medal ng bansa sa boxing ay nagmula kay light flyweight Mansueto “Onyok” Velasco matapos mag-uwi ng silver medal noong 1996 sa Atlanta, Georgia, USA.
Nakapasok si Marcial sa national team noong 2011 matapos angkinin ang gold medal sa Philippine National Games (PNG) ng Philippine Sports Commission (PSC) sa Cagayan de Oro City.
Bukod kay Marcial, ang iba pang nakasikwat ng tiket para sa Tokyo Games ay sina lady boxer Irish Magno, gymnast Carlos Edriel Yulo at pole vaulter Ernest John Obiena.
- Latest