POC nakakuha ng kakampi sa pagsusulong sa esports na mapasama sa 2021 Vietnam SEA Games
MANILA, Philippines — Sinuportahan ng Asian Electronic Sports Federation (AESF) ang panawagan ng Philippine Olympic Committee (POC) para isama ang esports bilang medal sport sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Sinulatan ni AESF Director General Sebastian Lau si National Electronic Sports Federation of the Philippines (NESFP) president Ramon Suzara ukol sa pagbi-bid ng continental federation na maibilang ang esports sa 2021 Vietnam SEA Games.
Nakatakda ang biennial event sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 sa susunod na taon.
“I am writing this letter to seek your support in driving our Olympic collaboration agenda for the upcoming 2021 Southeast Asian (SEA) Games in Hanoi,” ni Lau sa kanyang liham.
Sinabi ng Vietnam SEA Games organizers na 36 sports lamang mula sa inisyal na 46 ang kanilang ilalatag sa 2021 SEA Games.
Ito ay dahil ang kalahati ng kanilang pondo ay ginamit sa paglaban sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Hindi isinama ang esports sa calendar of events ng 2021 Vietnam SEAG.
Ang NESFP ang tanging esports association sa bansa na kinikilala ng AESF at ng Global Esports Federation.
Noong 2019 Philippine SEA Games ay inilista ang esports bilang medal sport kung saan nakuha ng mga Pinoy ang tatlo sa kabuuang anim na gold medals.
- Latest