^

PSN Palaro

Pinoy skaters sumikwat ng 2 ginto sa Asian Championships online contest

Chris Co - Pilipino Star Ngayon
Pinoy skaters sumikwat ng 2 ginto sa Asian Championships online contest
Si Margielyn Didal habang nagsasanay bilang preparasyon sa 2019 Manila SEA Games.
File

Didal nagpasiklab

MANILA, Philippines — Dalawang gintong me­dalya ang nasungkit ng Pinoy skaters sa kauna-unahang Asian Skateboar­ding Championships 2020 online skate video contest.

Bumandera sa kampanya ng Pilipinas si 2018 Asian Games at 2019 Southeast Asian Games gold medalist Margielyn Didal matapos pagreynahan ang women’s division ng torneong nilahukan ng mahigit 162 skaters mula sa 38 bansa sa Asya.

Inilabas ni Didal ang bangis nito matapos ilatag ang impresibong tricks para makuha ang boto ng mga hurado.

Nagpasiklab si Didal sa ibabaw ng kitchen sink kasunod ang pagrolyo nito sa mahabang mesa dahilan para makakuha ito ng 8.00 puntos.

Tinalo ni Didal si Yurin Fujii ng Japan na may 7.50 puntos para magkasya sa pilak at Orapan Arwen Tongkong ng Thailand na nasiguro ang tansong medalya bunsod ng nakolekta nitong 7.46 puntos.

Hindi naman nagpahuli si Motic Panugalinog na naghari naman sa men’s division para makumpleto ng Pilipinas ang matikas na sweep sa gintong medalya.

Mas matindi ang performance ni Panugalinog na bumanat ng trick sa ibabaw ng motorsiklo, sofa at study chair upang magtala ng 8.92 puntos para sa gintong medalya.

Naungusan ni Pa­nugalinog sina Basral Graito ng Indonesia na may 8.34 puntos at Firas Ahmed Al-Hinai ng Oman na may 8.34 puntos na nakakuha ng pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.

Nagkamit sina Didal at Panugalinog ng tig-$250 premyo o halos P12,500.

Nagsilbing hurado sina Anthony Claravall ng New Balance, Tommy Zhao ng Vans, Laurence Keefe ng Adidas at Niño Moscardi ng Nike.

Binigyan ng puntos ang mga kalahok base sa creativity na may 70 porsiyento ng kabuuang puntos at difficulty (30%).

Hangad ni Didal na makasungkit ng silya sa Tokyo Olympics na idaraos sa susunod na taon sa Tokyo, Japan.

Halos abot kamay na ni Didal ang puwesto sa Tokyo Olympics dahil kasalukuyan itong No. 14 sa world ranking.

Tanging ang Top 20 ska­ters lamang ang mabibig­yan ng tsansang makapasok sa Tokyo Games.

Sa kasalukuyan, nasa Cebu si Didal kung saan may food business itong pinagkakaabalahan sa panahon ng enhanced community quarantine.

Mismong si Didal pa ang nagde-deliver ng kanyang mga paninda kaya’t masaya ang mga nagiging customers nito.

vuukle comment

MARGIELYN DIDAL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with