La Salle tuloy ang workout para sa Season 83
MANILA, Philippines — Tuloy ang training workout ng De La Salle University men’s basketball team upang masiguro na handa ang mga ito anumang oras simulan ang UAAP Season 83.
Maliban sa individual workouts, may online team workout ang Green Archers.
Mismong si La Salle mentor Derrick Pumaren ang nagmamando ng pagsasanay ng kanyang tropa kung saan sumasailalim ito sa limang beses na training kada linggo - Lunes hanggang Biyernes.
Walang ensayo ng Sabado at Linggo.
Mahigit isang buwan na itong ginagawa ng Green Archers para mapanatili ang magandang kundisyon ng pangangatawan ng bawat isang manlalaro.
“We’ve been doing online team workouts. We want to be in shape when we come back. Monday to Friday then break on Saturday and Sunday. We do it with variety para hindi ma-bore ang team,” ani Pumaren.
Nais ni Pumaren na maihanda hindi lamang ang mental na aspeto maging ang pisikal na pangangatawan ng mga manlalaro nito para matiyak na handa ito para sa UAAP wars.
Desidido si Pumaren na muling ibalik ang La Salle sa Final Four matapos mabigong makapasok sa nakalipas na dalawang seasons.
Sa Season 82, nagtapos sa ikalimang puwesto ang La Salle tangan ang 7-7 marka habang No. 5 rin ang posisyon ng Taft-based squad noong Season 81 bitbit ang 8-6 baraha.
“We cannot just be complacent since we’re trying to get back to the Final Four. It’s a big challenge for me making it to the Final Four but it’s not impossible,” dagdag ni Pumaren.
Optimistiko si Pumaren na madadala nito sa semis ang kanyang bataan.
“I’m not here to get fifth place. I’m here to win they know that. The players understand, we understand each other what we’re trying to achieve. We just have to be all on the same page,” wika pa ni Pumaren.
- Latest