Casimero sa Las Vegas muna
Nakaabang sa kalaban
MANILA, Philippines — Mananatili si World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Johnriel Casimero sa Las Vegas, Nevada para doon ipagpatuloy ang kanyang training camp habang naghihintay ng kalaban.
Wala sa plano ng kampo ni Casimero na pabalikin sa Pilipinas ang Pinoy champion dahil mas magandang nasa Amerika na ito sakaling maikasa agad ang kanyang susunod na laban.
Isa rin ito sa hakbang ng grupo ni Casimero para mapangalagaan ang kanyang kalusugan. Ayon sa mga eksperto, mapanganib ang maglakbay sa mga panahong ito dahil sa patuloy na pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Ilang flights na ang kanselado para maiwasan ang pagdami ng kaso ng coronavirus. Aabot sa mahigit 14 oras ang direct flight mula Amerika patungong Pilipinas.
Nakatakda sanang harapin ni Casimero si World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) titlist Naoya Inoue noong Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Subalit dahil sa COVID-19, nakansela ito base na rin sa abiso ng Nevada Athletic Commission.
Sinabi ni Top Rank Promotions chief Bob Arum na mahihirapang makapunta sa Amerika ang Japanese fighter dahil sa umiiral na travel ban na ipinatutupad ng gobyerno ng Estados Unidos.
Kung makakarating sa Amerika si Inoue, itutuloy ang laban nito kay Casimero sa panibagong petsa.
Tinukoy ni MP Promotions chief Sean Gibbons ang Hulyo 25 sa posibleng bagong petsa ng laban nina Inoue at Casimero.
Ngunit kung mabigong makapunta si Inoue sa Amerika, walang magagawa si Arum kundi ang humanap ng ibang boksingerong maaring makalaban ni Casimero.
Sa kasalukuyan, gumagawa ng paraan si Arum na American boxer na lamang muna ang makaharap ni Casimero para hindi na kailangan pang bumiyahe papasok sa Amerika.
“Right now, what we’re concentrating on is American fighters or foreign fighters who are here in the United States. That way, we don’t have to worry about bringing them in from abroad for the fights we can do in the beginning,” ani Arum sa panayam ng Boxing Scene.
Isa sa tinukoy ni Arum si World Boxing Oganization (WBO) top contender Joshua Greer na may matikas na 22-1-1 rekord tampok ang 12 knockouts.
“One of the possible fights we’re talking about for Casimero is Joshua Greer, our kid from Chicago. He was gonna fight Jason Moloney, so we could have him fight Casimero. That’s a good, competitive fight,” dagdag ni Arum.
- Latest