Casimero hinahanapan ng bagong kalaban
Laban kay Inoue hindi tuloy
MANILA, Philippines — Hindi na matutuloy ang unification bout nina World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Johnriel Casimero at World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) titlist Naoya Inoue.
Kaya naman humahanap na ng ibang option ang kampo ni Casimero upang hindi matengga ang Pinoy pug sa oras na matapos na ang krisis na dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Inihayag ni Top Rank Promotions chief Bob Arum na malabo nang matuloy ang laban nina Casimero at Inoue.
Nakatakda sana ang laban noong Abril 25 sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada ngunit nakansela ito dahil sa pagkalat ng Covid-19.
“Unfortunately, it looks like we have to put that fight on the back burner. Casimero has stayed in the United States, in Las Vegas and perhaps we can talk to his people and do another fight for him,” ani Arum.
Nasa Amerika pa si Casimero kasama sina chief trainer Nonoy Neri at assistant trainer Ting Ariosa.
Dumating ang grupo sa Las Vegas, Nevada noong Marso ngunit naabutan doon ng quarantine.
Isusulong pa sana ni Arum na matuloy ang Casimero-Inoue fight. Ilan sa mga plano ang pagpunta ni Casimero sa Japan at doon na lamang ganapin ang laban.
“One thing we were considering is having Casimero go over to Japan and do that fight in Japan. At one point it appeared possible. It’s no longer possible… and Inoue won’t be able to come here anytime soon,” ani Arum.
Subalit dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng patakaran ng Japan at ng Amerika, hindi na ito maisasakatuparan.
“The cases in Japan have really picked up. So now, Japan is under a state of emergency,” ani Arum.
Dahil dito, umiisip na ng Plan B ang kampo ni Casimero para sa susunod na laban ito.
Ilan sa mga naglutangan ang posibleng pagharap ng Pinoy pug kina Joshua Greer, Jason Moloney at Joseph Agbeko.
- Latest