SBP nakiramay sa pagpanaw ng FIBA leader
MANILA, Philippines — Nagpaabot ng pakikiramay ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pagpanaw ni International Basketball Federation (FIBA) secretary general emeritus Boris Stankovic.
Sumama na ang SBP sa milyun-milyong nakiramay sa mahusay na FIBA leader na nagkaroon din ng malaking bahagi sa pagtataguyod ng basketball sa buong mundo.
“The Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) joins the world basketball community in mourning the passing of FIBA secretary general emeritus Boris Stankovic,” ani SBP president Al Panlilio sa statement.
Ibinahagi ni Panlilio ang naging parte ni Stankovic upang madala sa Pilipinas ang pagtataguyod ng World Championship noong 1978.
Isa si Stankovic sa pangunahing sumuporta nang ipahayag ng bansa ang interes nitong maging host ng naturang edisyon ng world meet.
“The Philippines was close to the heart of Mr. Stankovic who was instrumental in bringing to our shores the Basketball World Championship in 1978,” dagdag ni Panlilio.
Nanawagan si Panlilio na ipagpatuloy ang panalangin para kay Stankovic at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya.
Namatay si Stankovic sa edad na 94 sa Belgrade, Serbia. Hindi idinetalye ang dahilan ng kanyang pagpanaw.
Pinamunuan ni Stankovic ang FIBA mula 1976 hanggang 2002. Bahagi rin ito ng International Olympic Committee.
Dahil sa kanyang kontribusyon sa mundo ng basketbol, iniluklok ito sa Basketball Hall of Fame noong 1991 sa Springfield, Massachusetts.
- Latest