SEA Games coaches makukuha na ang incentives
MANILA, Philippines — Sa kanilang malaking tulong upang makamit ng Team Philippines ang overall championship trophy sa nakaraang 30th Southeast Asian Games, matatanggap na ng 182 national coaches ang cash incentives mula sa Philippine Sports Commission simula sa Miyerkules.
Umabot sa kabuuang P45 million ang inilaan ng PSC para sa mga coaches ng mga atleta na nag-uwi ng 149 golds, 117 silvers at 121 bronze medals sa 2019 SEA Games na ginanap dito sa Pilipinas noong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 noong nakaraang taon.
Ang coaches incentives ay naka-base sa expanded Republic Act No. 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act na naging batas noong 2015 kung saan ang gold medal ay nagkahalaga ng P150,000.00 at P75,000.00 para sa silver habang P30,000.00 sa bronze medal sa SEA Games.
Sinabi ni PSC-NSA Affairs head Annie Ruiz na ang computation ng cash incentives ay naka-base sa isinumite na certification requirements at profile na ibinigay ng kanilang National Sports Association (NSA) at sa nag-medalyang atleta.
Ayon pa kay Ruiz, ang unang batch na makatatanggap ay ang mga coaches mula sa arnis, athletics, beach handball, billiards, bowling, boxing, cycling, dancesports, gymnastics, jiu-jitsu, kickboxing, modern pentathlon, muay, pencak silat, rowing, sailing, sambo, sepak takraw, soft tennis, softball, squash, taekwondo, tennis, weightlifting, windsurfing at wrestling.
Sa susunod na batch naman ang mula sa archery, baseball, canoe, fencing, judo, lawn bowls, obstacle course, swimming, traditional boat race at volleyball.
- Latest