EquestrianPH iprinisinta ang accomplishments sa PSC
MANILA, Philippines — Ibinida ng Equestrian Philippines, Inc., ang nangungunang promoter at sponsor ng show jumping at dressage initiatives dito at sa labas ng bansa, ang kanilang mga naging tagumpay para sa 2019-2020 season.
Bumisita sina EquestrianPH president Carissa Coscolluela at vice-president Toni Leviste kay Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez para isumite ang kanilang accomplishments.
Nakasama nina Coscolluela at Leviste sa pagtungo sa opisina ni Ramirez sina equestrian stars Minxie Romualdez, Alex-Ynares-Villalon, Nicole Camcam at Paola Lorenzo.
Ilan sa mga tagumpay ng EquestrianPH ay ang pag-angkin sa gold medal ng dalawang yugto ng Riders Tour, isang borrowed horse competition na nilahukan ng Pilipinas at ilang tropa ng Malaysia.
Ang inaugural competition ay idinaos sa Maynila noong Setyembre ng 2019 at ang ikalawang edisyon ay ginawa sa Kuala Lumpur, Malaysia noong Disyembre.
Ang national team ay binubuo nina Romualdez, Ynares-Villalon, Camcam, Lara Zobel at Mohamedel Akkad.
Kumuha naman ng silver medal ang grupo nina Leviste, Joker Arroyo at Colin Syquia sa federation Equestre Internationale Asian Championships sa Pattaya noong Disyembre.
Naglunsad din ang EquestrianPH ng mga championship series sa bansa tampok ang tatlong legs ng jumping competitions sa Manila Polo Club.
Sa pagsisimula ng 2020 ay idinaos ng EquestrianPH ang ikalawang championship series na binubuo ng tatlong legs ng jumping competitions bukod pa sa dressage competition sa pagtatapos ng taon.
- Latest