Lakers umeskapo sa Nuggets sa OT
DENVER -- Nagposte si LeBron James ng triple-double at humugot si Anthony Davis ng pito sa kanyang 33 points sa overtime para tulungan ang Los Angeles Lakers sa 120-116 paglusot sa Nuggets.
Nagtala si James ng 32 points, 14 assists at 12 rebounds para sa kanyang pang-12 triple-double sa season para sa Lakers.
Naimintis ni James ang kanyang fadeaway 15-footer kasabay ng pagtunog ng buzzer na nagdala sa laro sa overtime.
Binanderahan ni Jamal Murray ang Nuggets mula sa kanyang 33 points habang nagtala si All-Star Nikola Jokic ng 22 points at 11 rebounds.
Sa Indianapolis, sinamantala ng Indiana Pacers ang hindi paglalaro ni superstar Giannis Antetokounmpo para talunin ang No. 1 team na Milwaukee Bucks, 118-111.
Umiskor si T.J. Warren ng 35 points at nagtala si Malcolm Brogdon ng 17 points at dinuplikahan ang kanyang career high na 13 assists para sa Indiana.
Sa Phoenix, nagsalpak si guard Devin Booker ng dalawang free throws para selyuhan ang 112-106 paggupo ng Suns sa Golden State Warriors.
Sa Dallas, nagtala si Luca Doncic ng 33 points at 12 rebounds at humataw si Kristap Porzingis ng 27 points at 13 boards para pangunahan ang Mavericks sa 130-111 paggiba sa Sacramento Kings.
- Latest