Sharks pinapak ang Capitals; Strikers umiskor sa Shoemasters
MANILA, Philippines — Nagwagi ang Cebu Sharks kontra sa Quezon City Capitals, 95-89, para manatiling buhay ang asam na playoff slot, habang pinagtibay ng Bacoor Strikers ang hawak sa ikalawang puwesto matapos ilampaso ang Marikina Shoemasters, 100-88, sa Chooks-to-Go-Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup sa AUF Gym sa Angeles City.
Kaagad humataw ang Sharks sa unang yugto 25-17, at hindi na binitiwan pa ang bentahe patungo sa pagsungkit sa ika-11 panalo sa 23 laro at manatili sa pang-siyam na puwesto dalawang panalo ang agwat mula sa 8th spot na Batangas City Athletics (13-10) sa Southern Division.
Umabot sa 19 puntos ang kalamangan ng Cebu, 39-20, sa kalagitnaan ng ikalawang yugto mula kina William Bill Mcaloney Jr. at Criss Galvez para ihulog ang Capitals sa 11th spot sa 10-16 marka sa Northern Division.
Lalo namang pinatatag Strikers ang kapit sa ikalawang puwesto sa kanilang 20-5 sa likuran ng nangungunang Davao Occidental Tigers (20-3) sa South group.
Ang Marikina Shoemasters ay nahulog sa ilalim ng standings kasama ang Rizal Coolers sa pareho nilang 4-19 kartada.
Sa iba pang laro, nakopo ng GenSan Warriors ang pang-16 panalo sa 24 laro matapos ang 76-69 panalo laban sa Pasay Voyagers.
Ang Warriors ay komportable sa ikatlong puwesto sa South group.
- Latest