Garcia-Pacquiao bout sa 2020?
MANILA, Philippines — Tiwala si dating World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) lightweight champion Mikey Garcia na abot-kamay na ang inaasam nitong laban kontra kay eight-division world champion Manny Pacquiao.
Ayon kay Garcia, makailang-ulit nang nakikipag-usap ang kanyang kampo sa grupo ni Pacquiao.
Ilang mga bagay na lamang ang pinaplantsa para maikasa ang laban.
Marami lang aniyang pinagtutuunan ng pansin ang Pinoy champion gaya ng kanyang tungkulin bilang Senador sa Pilipinas.
“We’ve been discussing a fight against Manny Pacquiao for a long time now, and it seems like it’s very close and it can actually happen. Nothing is secure. He has some political obligations right now,” ani Garcia sa panayam ng Fight Hype.
Sinabi ni Garcia na may target nang petsa si Pacquiao ngunit wala ito sa puwesto para i-anunsiyo ang anumang napapag-usapan sa negosasyon.
Bukas na bukas saan man naisin ganapin ang laban. Pangunahing opsiyon ang Las Vegas, Nevada.
Pero makailang ulit ding nabanggit ang Saudi Arabia maging ang Dubai at Macau na posibleng pagdausan ng laban.
Matikas ang rekord ni Garcia. Mayroon itong 39-1 rekord tampok ang 30 knockouts.
Nadungisan lamang ang malinis na rekord nito nang lasapin ang unanimous decision loss kay Errol Spence Jr. noong Marso 16, 2019 para sana sa IBF welterweight title.
- Latest