Prado inangkin ang gold sa ITT
MANILA, Philippines — Nag-ambag ng gintong medalya si Jermyn Prado matapos pagreynahan ang women’s individual time trial sa 2019 Southeast Asian Games road races cycling competitions kahapon sa Tagaytay City.
Matikas na tinahak ni Prado ang ruta mula sa Nasugbu, Batangas patungong Praying Monument para matagumpay na makuha ang gintong medalya.
Nagtala ito ng 44 minuto at 44.742 segundo.
Pumangalawa lamang si Luo Yiwei ng Singapore na nagsumite ng 44:48.518 habang pumangatlo si Somrat Phetdarin ng Thailand na may nailistang 44:58.152.
“Talagang itinodo ko na po. Sobrang hirap pero nagbunga ang lahat ng sakripisyo namin sa training. Iba yung feeling, sobrang saya po,” wika ni Prado.
Gitgitan ang labanan sa umpisa pa lamang ng laban.
Subalit rumatsada ng husto ang Philippine Navy-Standard Insurance Continental Team member sa huling sandali ng bakbakan para matamis na makuha ang panalo.
Bagsak ito pagdating sa finish line.
Nagtapos lamang sa ikapitong puwesto si Marella Salamat hawak ang 45:59.275.
Bigo naman ang Pinoy cyclists na maduplika ang tagumpay ni Prado nang pumang-apat lamang si Ronald Oranza na may 1:00.48.400 habang ikaanim naman si Mark John Lexer Galedo na may 1:00.51.135.
- Latest