Philippine chess teams sisindakin ang Vietnam sa 2019 SEA Games
MANILA,Philippines — Ang bigating Vietnam ang inaasahang makakaagawan ng Philippine national team sa gold medal sa pagbabalik ng chess event sa darating na 30th Southeast Asian Games.
Ito ang unang pagkakataon na muling lalaruin ang chess matapos mawala sa nakaraang dalawang edisyon ng biennial event.
Isusulong ang chess competitions ng 2019 SEA Games sa Disyembre 1- 8 sa Subic Convention Center.
Sa huling pagdaraos ng bansa sa SEA Games noong 2005 ay winalis ng Vietnam ang inilatag na anim na gold medals.
“It will be tough, but we’ll make the best effort out there, na maganda ang preparation at psychologically prepared,” sabi ni national head coach at Grand Master Eugene Torre.
Sasabak sina International Master Daniel Quizon, IM David Elorta sa blitz event, habang lalaban sina IM Paulo Bersamina at FIDE Master Jan Emmanuel Garcia sa rapid event.
Inaasahang makakatulong ang pagsulong ng mga Pinoy sa rapid at blitz competitions para sa isang podium finish.
“So far so good. We’re doing well in our mental and physical preparations,” wika naman ni Women’s International Master Catherine Secopito, ang team captain ng national women’s squad para sa 2019 SEA Games.
Makakatuwang ng 34-anyos na si Secopito si Shania Mendoza sa rapid events.
Miyembro si Secopito ng mga national teams na sumabak sa SEA Games noong 2005, 2011 at 2013, ang huling pagkakataon na isinama ang chess sa biennial meet na idinaos sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
- Latest