Creamline amoy na ang titulo
MANILA, Philippines — Pinataob ng nagdedepensang Creamline ang PetroGazz sa bendisyon ng 25-14, 25-22, 27-25 desisyon upang makalapit sa inaasam na back-to-back titles sa 2019 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nanguna sa opensa si Reinforced Conference MVP Alyssa Valdez para dalhin ang Cool Smashers sa 1-0 bentahe laban sa Gazz Angels sa best-of-three championship series.
Malakas ang suporta nina MVP candidate Jema Galanza, opposite hitter Michele Gumabao at playmaker Jia Morado upang patumbahin ang Gazz Angels sa Game 1 ng serye.
Susubukan ng Cool Smashers na walisin ang serye laban sa Gazz Angels sa paglarga ng Game 2 sa Sabado sa parehong venue.
Sa unang laro, mabilis na napatumba ng BanKo Perlas ang Motolite, 25-23, 25-23, 25-18 upang hablutin ang 1-0 kalamangan sa best-of-three, battle-for-bronze series.
Nagsilbing lider ng Perlas Spikers si dating Shakey’s V-League MVP Sue Roces na kumana ng 11 puntos – lahat galing sa attacks.
Target din ng BanKo Perlas na makuha na ang tanso sa paglarga ng Game 2 ng kanilang hiwalay na serye sa Sabado.
- Latest