Blue Eagles swak sa Final Four
MANILA, Philippines — Pormal nang pumasok sa Final Four ang nagdedepensang Ateneo De Manila University matapos patumbahin ang De La Salle University, 77-69, sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Tumipa si Adrian Wong ng 18 points kabilang ang apat na triples at nagtala ng 13 markers at 7 rebounds si Thirdy Ravena para masungkit ng Ateneo ang ika-10 sunod na panalo.
“That was a good game of basketball, but if Adrian (Wong) doesn’t come out hot, we would have been in trouble,” sabi ni head coach Tab Baldwin.
Ito na rin ang ika-20 sunod na panalo ng Blue Eagles simula noong nakaraang taon.
Humakot si import Ange Kouame ng 10 points, 14 rebounds, 3 blocks at 2 assists para sa Ateneo.
Nalaglag ang La Salle sa 4-5 record.
Sinuwag naman ng Far Eastern University Tamaraws ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 72-58.
- Latest