Foton balik na sa porma
MANILA, Philippines — Napigilan ng two-time Grand Prix champion Foton ang PLDT Home Fibr, 25-21, 25-20, 25-18 upang sumampa sa win column ng 2019 Philippine Superliga Invitational Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Balanseng atake ang pinakawalan ng Tornadoes para makuha ang pambuenamanong panalo matapos ang dalawang sunod na kabiguan.
Nanguna sa ratsada ng Foton si Shaya Adorador na nagtala ng 15 hits, siyam na excellent receptions at anim na digs para sumuporta.
Nag-ambag naman si Elaine Kasilag ng 10 puntos para sa Tornadoes.
Malaking kawalan sina Jaja Santiago, Dindin Manabat at Maika Ortiz sa koponan.
Sina Santiago at Manabat ay naglalaro sa V. Premier League sa Japan habang nagpapagaling si Ortiz sa anterior cruciate ligament injury.
“Of course, we’re happy. Coming from two losses, this is a huge boost for us. Before the match started, I told them to give their best because getting this win is important for our campaign. They responded well,” ani Foton coach Aaron Velez.
Parehong may 1-2 marka ang Tornadoes at Power Hitters.
Sa pagpasok ng se-cond round, makakasama ng Tornadoes sa Pool D ang Sta. Lucia, Generika-Ayala at F2 Logistics.
Wala sa kampo ng Power Hitters si head coach Roger Gorayeb na may iniindang karamdaman.
Nalimitahan si three-time NCAA MVP Grethcel Soltones sa apat na puntos habang nanguna si outside hitter Jerrili Malabanan para sa PLDT tangan ang 11 markers.
- Latest