Taduran bagong world champion
MANILA, Philippines — May bago na namang world boxing champion ang Pilipinas.
Nakabawi si Pedro Taduran mula sa kanyang pagbagsak sa first round para balikan si Samuel Salva via fourth-round stoppage at angkinin ang bakanteng International Boxing Federation minimumweight title noong Sabado ng gabi sa Jurado Hall ng Philippine Marine Corp sa Taguig City.
Ang nasabing Taduran-Salva match ang ikalawang pagkakataon na nagsalpukan ang dalawang Pinoy para sa world boxing crown na idinaos sa bansa.
Ang unang all-Pinoy world title fight sa bansa ay nangyari noong Mayo 2, 1925 nang maidepensa ni Pancho Villa ang kanyang titulo kontra kay Clever Sencio sa Manila.
Pinaganda ng 22-anyos na tubong Libon, Albay ang kanyang win-loss-draw ring record sa 14-2-0 kasama ang 11 knockouts. Ito naman ang kauna-unahang pagkatalo ng 22-anyos ding si Salva sa 18 laban.
Nagpakawala si Salva ng isang counter right para paluhurin si Taduran sa opening round.
Kaagad namang tumayo si Taduran at nirapido si Salva sa sumunod na third at fourth rounds para kumuha ng mga puntos.
Pagpasok ng fifth round ay hindi na makakilos si Salva na nagtulak kay referee Danrex Tapdasan para ihinto ang nasabing suntukan.
- Latest