Mau sabik nang lumaro sa SEAG
MANILA, Philippines — Sabik na si Filipino-American at reigning Philippine Superliga All-Filipino Conference MVP Kalei Mau na maging kinatawan ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa Pilipinas.
Hangad ni Mau na makatulong sa kampanya ng national team na ma-kabalik sa podium matapos mabigong makasungkit ng medalya sa mga nakalipas na edisyon ng biennial meet.
Huling nakasungkit ng medalya – tanso – ang Pinay spikers noong 2005 Manila SEA Games. Mula noon, hindi na nakapasok pa sa Top 3 ang Pilipinas.
Naka-ginto naman ang Pinay squad noong 1993 SEA Games sa Singapore sa pangunguna ni Thema Barina-Rojas.
At umaasa si Mau na muling mapapasakamay ng Pilipinas ang inaasam na ginto.
“Anything is possible,” ani Mau sa pagbisita nito sa lingguhan PSA Forum kasama sina F2 Logistics teammates Dawn Macandili, Kim Fajardo at Alex Cabanos at team officials Mito Dizon at Erika Uy.
Malaki ang naitulong ni Mau para mabawi ng F2 Logistics ang titulo sa PSL All-Filipino Conference.
Alam ni Mau na mahirap ang daang tatahakin sa SEA Games dahil nariyan ang powerhouse Thailand.
“I think we do have the capability and the physicality. We just have to put in the time. I don’t have a doubt in my mind that we can take on anybody,” ani Mau.
- Latest