Tune-up games magiging basehan ni Guiao
MANILA, Philippines — Kung sino ang mga players na maganda ang ilalaro sa tune-up game ng Gilas Pilipinas laban sa bisitang Australian club team na Adelaide 36ers ang maaaring bumuo sa Final 12 para sa 2019 FIBA World Cup.
“They will be crucial especially for the last two slots,” sabi ni national head coach Yeng Guiao.
Nakatakda ang nasabing tune-up matches sa Agosto 23 at 25.
Sa kanilang ensayo noong Lunes ng gabi ay hindi sumipot sina five-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel, RR Pogoy at Troy Rosario ng TNT Katropa.
Ang tatlo ay nanggaling sa nakaraang championship series ng Beermen at Tropang Texters sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Kagabi ay nakipag-ensayo na sina Fajardo, Pogoy at Rosario.
Ang mga regular na nagsasanay ay sina naturalized center Andray Blatche, Paul Lee, Mark Barroca, Matthew Wright, Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan, Poy Erram, Japeth Aguilar, Kiefer Ravena at rookies CJ Perez at Robert Bolick.
Sa kasamaang palad ay nagkaroon sina Wright at Erram ng minor inijuries noong Lunes.
Sasabak ang Gilas Pilipinas sa 2019 FIBA World Cup na nakatakda sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15 sa China.
Kasama ng Pilipinas sa Group D ang Serbia, Italy at Angola.
Huling naglaro ang bansa sa FIBA World Cup noong 2014.
- Latest