TIP pupuntiryahin ang No. 2 spot
MANILA, Philippines — Hangad ng Technological Institute of the Philippines na masiguro ang Top 2 spot sa Group B sa pagsagupa sa Alberei sa 2019 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang duwelo ng TIP at Alberei ngayong ala-1:30 ng hapon.
Hawak ng Engineers ang 4-1 marka para upuan ang ikalawang puwesto sa ilalim ng nangungunang Saint Clare College na may malinis na 3-0 baraha.
Kung makukuha ng TIP ang Top 2 ay makakamit nila ang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
“It’s going to be big for us. We want to have that momentum before going on a long break,” ani Engineers coach Potit de Vera.
Nais ng grupo ni de Vera na magarbong tapusin ang eliminasyon kung saan nakasakay sila sa three-game winning streak kabilang ang 110-99 pananaig sa Black Mamba.
Hindi pa rin makakapaglaro si Senegalese big man Papa Ndiaye na nagpapagaling ng hamstring injury.
Hangad naman ng Marinerong Pilipino (3-0) na makahirit ng playoffs spot kontra sa Asia’s Lashes Tomas Morato (2-1).
- Latest