Power Hitters ibinaon ang Lady Realtors
Laro Bukas (The Arena, San Juan City)
2 p.m. Marinera vs Sta. Lucia
4:15 p.m. PLDT vs Petron
6 p.m. Foton vs F2
MANILA, Philippines — Nakabalik sa porma ang PLDT Home Fibr matapos ikonekta ang 20-25, 25-22, 27-25, 25-18 panalo laban sa Sta. Lucia Realty kahapon sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa Muntinlupa Sports Center.
Pinangunahan ni outside hitter Aiko Urdas ang opensa at depensa ng Power Hitters para makuha ang ikatlong panalo sa siyam na pagsalang at mapanatili ang kanilang ikaanim na puwesto.
“Iyong depensa ‘yun talaga ‘yung pinaka-importanteng prinactice namin sa mga nakaraang araw kasi ‘yun ang wala sa amin medyo nagkakagulo kami sa loob,” ani Urdas.
Humataw si Urdas ng kabuuang 20 attacks at 12 digs, habang nakatuwang niya sa opensa si NCAA three-time MVP Grethcel Soltones at dating NCAA MVP Shola Alvarez para makuha ang panalo.
Nagtamo ng sprain si ace setter Jasmine Nabor.
Ngunit pinunan ni reserve playmaker Angel Cayuna ang naiwang puwesto ni Nabor para dalhin ang Power Hitters sa panalo.
Umaasa si Urdas na magtutuluy-tuloy ang kanilang magandang inilalaro upang magkaroon ng magandang puwesto at mataas na momento sa quarterfinal round.
“Kailangang ituloy namin ‘yung ganitong laro namin. Kailangang mas angatan pa namin yung ipinapakita namin sa loob ng court,” ani Urdas.
Nalasap ng Lady Realtors ang ika-10 kabiguan sa 11 laro para manatili sa ilalim ng standings.
- Latest