Bolts itinakda ang playoff sa Aces sa No. 8 seat
MANILA, Philippines — Nakamit ng Bolts ang kanilang hinahangad na mahalagang panalo.
Humakot si import Delroy James ng 34 points, 6 assists, 5 rebounds, 4 steals at 2 blocks para tulungan ang Meralco sa 95-91 pagpapatumba sa San Miguel at makuha ang playoff sa huling tiket sa quarterfinal round ng 2019 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtapos sa magkakatulad na 4-7 marka ang Alaska, Meralco at Phoenix.
Ngunit dahil may mas mababang 0.977 quotient ang Fuel Masters ay ang Aces (1.012) at Bolts (1.011) ang maglalaban para sa No. 8 seat sa quarterfinals.
“We just lived for another day, we’ll fight Alaska,” sabi ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black. “I know it’s gonna be a tough game for us but we still have a chance.”
Winakasan ng Bolts, nakahugot kay Chris Newsome ng 20 points kasunod ang 15 at 10 markers nina Raymond Almazan at Brian Faundo, ayon sa pagkakasunod, ang kanilang limang sunod na kamalasan.
Nahinto naman sa tatlo ang ratsada ng Beermen at posibleng malaglag sa No. 7 spot.
Sa quarterfinals ay magbibitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1 at No. 2 teams laban sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod.
Ang dalawang drive ni James ang nagbigay sa Meralco ng 95-91 abante sa huling 32.3 segundo ng fourth quarter matapos itabla ni five-time PBA MVP June Mar Fajardo ang San Miguel sa 91-91.
- Latest