F2 pakay ang ika-8 panalo laban sa SLR
MANILA, Philippines — Hangad ng F2 Logistics na maipagpatuloy ang matikas na ratsada sa pagsagupa sa Sta. Lucia Realty sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang pukpukan ng Cargo Movers at Lady Realtors ngayong alas-2 kasunod ang mga laro ng reigning champion Petron at Cignal sa alas-4:15 at ng PLDT Home Fibr at Foton sa alas-7 ng gabi.
Walang makatibag sa F2 Logistics na nakumpleto ang seven-game sweep sa first round ng eliminasyon upang solong okupahan ang No. 1 spot.
Asahan ang mas matinding puwersang ilalatag ng Cargo Movers sa second round na mas importanteng estado ng torneo dahil dito magkakaalaman sa puwestuhan sa quarterfinals.
Kagaya ng dati, mamanduhan ni Fil-Am outside hitter Kalei Mau ang opensa ng Cargo Movers kasama sina dating MVP Ara Galang, middle hitter Aby Maraño at opposite spiker Kim Kianna Dy.
“Hindi mahalaga iyong record. Mahalaga ‘yung confidence namin na ma-build,” ani Cargo Movers’ coach Ramil de Jesus.
Ang Lady Realtors ay nasa seven-game losing slump.
Hahataw para sa Sta. Lucia sina Amanda Villanueva at Pam Lastimosa, middle blockers Rachel Austero at Joy Dacoron, at si Roselle Baliton.
- Latest