PH poomsae team sumipa ng 3 ginto, 2 pilak sa Korea
MANILA, Philippines — Maningning na umuwi ng Pilipinas ang national poomsae team matapos umani ng tatlong ginto at dalawang pilak na medalya sa 2019 Chuncheon Korea Open International Taekwondo Championships na ginanap sa Hoban Gymnasium sa Chungcheon-si Gangwondo sa South Korea.
Bumandera sa matikas na kampanya ng Pilipinas si Darius Dayo Venerable nang mamayagpag ito sa freestyle individual male -30 division kung saan tinalo nito ang dalawang South Korean bets.
Nakasungkit pa ng gintong medalya ang pambansang koponan sa recognized team male category nang magsanib-puwersa sina Patrick King Perez, Rodolfo Reyes Jr. at Raphael Enrico Mella para makuha ang unang puwesto.
Galing naman ang ikatlong ginto mula kina Rinna Babanto, Jocel Lyn Ninobla at Aidaine Krishia Laxa na namayagpag naman sa recognized team female division.
Nag-ambag ng isang tanso si Janna Dominique Oliva sa freestyle individual female habang nakasiguro rin ng third-place finish sina Venerable, Oliva, Juvenila Faye Crisostomo, Jeordan Dominguez at Marvin Mori sa freestyle team class.
Itinanghal na Best Freestyle Male Player si Venerable habang Best Recognized Team ang Pilipinas sa naturang kategorya.
- Latest