Thurman babagsak kapag...
MANILA, Philippines — Binigyan ng warning ni Hall of Famer Freddie Roach si undefeated American fighter Keith Thurman sa oras na makaharap nito si eight-division world champion Manny Pacquiao sa kanilang unification bout sa Hulyo 20 (Hulyo 21 sa Maynila) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ayon kay Roach, magiging mapanganib para kay Thurman kung balak nitong makipagsabayan kay Pacquiao.
Hindi uubra ang lakas ni Thurman sa bilis ni Pacquiao kaya’t malaki ang posibilidad na makuha ng Pinoy sensation ang knockout win.
Ipinagmalaki ni Roach na solido na ang porma ni Pacquiao na resulta ng puspusang training nito sa nakalipas na isang buwan.
“Manny is in great shape right now and if Thurman wants to trade with us, he will get knocked out,” ani Roach.
Nasa perpektong kundisyon na si Pacquiao.
Kitang-kita na ang bilis at lakas nito sa kanyang training session sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California.
Kuntento ito sa naging magandang kinahinatnan ng kanyang pagpupursige sa ensayo.
“We focused on footwork, speed, like when we were young, in the early days, they showed it to me, my speed, my head movement, footwork, I’m very happy, but it’s all about training and I think we’re very satisfied,” wika ni Pacquiao.
Tinukoy ni Pacquiao ang counter punches na isa sa magiging malaking bentahe nito laban kay Thurman.
Tinutukan ito ng husto ng coaching staff upang mas maging mabagsik ang porma ni Pacquiao.
“We have a strategy of counter punches because the way he throw punches is wide, wide punches is good for me to counter,” ani Pacquiao.
Ilang running sessions at workout na lamang ang gagawin ni Pacquiao sa Los Angeles bago tumulak sa Las Vegas sa Hulyo 15 (Hulyo 16 sa Maynila) para doon ipagpatuloy ang huling bahagi ng training ng Pinoy champion.
- Latest