Obiena sumikwat ng ginto sa Universiade
MANILA, Philippines — Sumampa ang Pilipinas sa medal tally matapos hablutin ni Ernest John Obiena ang gintong medalya sa prestihiyosong 2019 Summer World University Games na ginaganap sa Napoli, Italy.
Namayagpag ang engineering student ng University of Santo Tomas sa men’s pole vault kung saan nailista nito ang impresibong 5.76 metro.
Nahigitan ng 23-anyos na si Obiena ang Southeast Asian Games record na 5.35m na pag-aari ni Porrant Purahong ng Thailand noong 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Binasag din ni Obiena ang Philippine national record na 5.71 na kanya ring pag-aari.
May apat na sentimetro na lamang itong kapos sa 5.80m na qualifying standard para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Naungusan ni Obiena sa Universiade si silver medalist Torben Biech ng Germany na may parehong 5.76m dahil sa countback habang nagkasya sa tanso si 2017 European U23 champion Ben Broeders ng Belgium na nagsumite naman ng 5.51m.
Ito ang ikalawang gintong medalya ng Pilipinas sa Universiade. Nauna nang nakasungkit ng ginto si Grandmaster Wesley So sa men’s standard chess noong 2013 edisyon sa Kazan, Russia.
- Latest