Cool Smashers pinigil ang Lady Troopers
MANILA, Philippines — Nakabalik agad sa porma ang Creamline para maitakas ang 16-25, 25-16, 25-22, 25-16 panalo laban sa Pacific Town-Army upang sumosyo sa unahan ng standings sa 2019 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Matapos ang first-set loss, umarangkada ang Cool Smashers sa mga sumunod na sets sa pangunguna ni Venezuelan Aleoscar Blanco para masungkit ang ikawalong panalo sa siyam na laro.
“We were a bit relaxed in the first set but in the next, it was different, especially with regard to our service,” ani middle hitter na si Blanco.
Kumana si Blanco ng kabuuang 16 puntos buhat sa 10 attacks, apat na blocks at dalawang aces habang nagbigay ng solidong suporta sina three-time UAAP MVP Alyssa Valdez na may 11 puntos at Thai import Kuttika Kaewpin na nagsumite ng 10 hits.
Sumalo ang Creamline sa liderato kasama ang PetroGazz na may parehong 8-1 marka.
Umani naman ang Lady Troopers ng ikalimang kabiguan para mahulog sa 4-5 marka at maudlot ang pagmartsa nito sa semis.
- Latest