Magiging mainit ang POC Gen. Assembly
MANILA, Philippines — Sa unang pagkilos sa tungkulin, nagpatawag si Philippine Olympic Committee president Joey Romasanta ng Extraordinary General Assembly upang talakayin ang mahahalagang bagay kabilang na ang pagbabago sa POC leadership sa GSIS Gymnasium sa Pasay City.
Hinikayat ni Romasanta ang lahat na miyembro ng Olympic body na dumalo sa pagtitipon ngayong ala-1 ng hapon para pag-usapan din ang nalalapit na hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang sa Disyembre 11.
“In accordance with Article VI of the POC By-Laws, I hereby convene an Extraordinary General Assembly on June 25, 2019,” ayon kay Romasanta sa nilagdaang circular na may petsang Hunyo 18.
Si Romasanta ang bagong POC president kapalit ng nagbitiw na si Ricky Vargas noong Martes.
Kabilang sa mga tatalakayin sa General Assembly ay ang pagbabago sa POC leadership, updates at assessments sa 2019 SEA Games.
Ngunit inaasahan din ang mga paputok sa nasabing pagtitipon dahil kinuwestiyon ni POC chairman at Tagaytay Congressman Abraham “Bambol” Tolentino ang pag-upo ni Romasanta base sa qualifications.
Sinabi ni Tolentino, ang presidente ng cycling association, na hindi kuwalipikado si Romasanta dahil malinaw sa POC By-Laws na ang presidente ay kailangang pangulo ng isang national sports association at isang Olympic sports.
Si Romasanta ay vice-president ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. na ginigiyahan ni Peter Cayco.
- Latest